MANILA,Philippines - Winakasan ng La Salle ang sampung taong pagkauhaw sa titulo sa UAAP women’s taekwondo nang lusutan ang UP, 4-3, na pinaglabanan kahapon sa The Arena sa San Juan, City.
Kinailangan ng Lady Archers ng tibay ng loob matapos maiwanan ng 1-3 ng Lady Maroons at si Ynah Langit ang siyang nagbigay ng ikaapat na panalo laban kay Bettina Someros, 11-4, sa middle-heavy.
“We really prepared hard for it. I’m grateful that the team won this year. It’s a collective effort from everybody,” wika ni coach Stephen Fernandez na ang tinukoy ay ang mga panalo nina Jyra Lizardo at Patricia Gonzales na nagtabla sa iskor sa 3-3.
Si Lizardo ay binokya si Marigold Taculog, 13-0, sa lightweight habang si Gonzales ay may 8-2 panalo kay Cyrmyn Perlas sa welterweight.
Ang 7-0 sweep ang nagbigay sa La Salle ng kanilang ikalimang women’s taekwondo title pero noong 2001-02 season pa nang huli nilang nahawakan ito.
Namayagpag naman ang UST sa demo event na poomsae nang manalo ang kanilang jins ng tatlo sa limang gintong pinaglabanan.
Sina Shaneen Sia at Marvin Gabriel ay nanalo sa individual events at nagsanib para sa mixed pair title.