MANILA, Philippines - Isang Lebanese team na nagtatampok sa nagbabalik na si Fadi El-Khatib, isang Chinese squad na pangungunahan ni Wang Zhelin at mga Iranians na babanderahan nina Saleh Foroutan at Behnam Yakhchali ang naghihintay sa Smart Gilas Pilipinas sa fourth FIBA Asia Cup na nakatakda sa Setyembre 14-22 sa Tokyo, Japan.
Ang Lebanon, China at Iran ay mga koponang magiging paborito sa torneo bukod pa sa Qatar, Chinese-Taipei, Uzbekistan, Macau at India.
Hangad ng mga Lebanese na maidepensa ang kanilang korona na kanilang nakamit sa Beirut noong 2010 at magiging malakas sa pagbabalik ni El-Khatib.
“We are not only going to compete, we are going to win the gold,” sabi ni El-Khatib sa isang fibaasia.net report. Binago ng Lebanon, isang three-time finalist sa huling anim na edisyon ng nasabing biennial FIBA Asia Championship, ang kanilang lineup matapos kunin si dating Meralco import Jarrid Famous na pumalit kay Jackson Vroman bilang kanilang naturalized player.
Nasa Lebanon rin sina Elie Stephan at Akl Rodriguez, ang tumalo sa Smart Gilas sa nakaraang Jones Cup.
Hangad naman ng China na makabawi sa kanilang malamyang kampanya sa 2012 London Olympics.
Hindi napasama sa kanilang Olympic roster, ang seven-foot center na si Wang Zhelin ay itatampok ng China sa Asian men’s tourney.
Nagtala si Wang ng average na 22.3 points at nagsalpak ng isang three-pointer sa dulo ng laro para itakas ang mga Chinese sa Koreans, 93-91, sa gold-medal game ng FIBA Asia Under-18 championship sa Ulan Bator, Mongolia.