MANILA, Philippines - Hihigpit pa ang labanan para sa Final Four sa 88th NCAA men’s basketball sa pagkikita ng San Beda at Jose Rizal University ngayong gabi sa The Arena sa San Juan City.
Solong nasa unahan ang Red Lions sa 10-2 karta at nais nilang talunin uli ang Heavy Bombers sa kanilang alas-6 ng gabing tagisan upang lumapit pa sa asam na puwesto sa Final Four.
May apat na sunod na panalo ang tropa ni coach Ronnie Magsanoc upang palakasin ang hangarin na maulit ang 62-37 dominasyon sa tropa ni coach Vergel Meneses.
“Every game is important so we really need to bring it every time we go out there,” wika ni San Beda coach Ronnie Magsanoc.
May 8-4 baraha ang Heavy Bombers katulad ng Perpetual Help at kailangan nilang makuha uli ang tunay na porma upang mabawian ang back-to-back champions at patatagin ang paghabol sa semifinals.
Galing ang Bombers sa 72-88 pagkatalo sa Altas sa huling laro.
Bibitbitin naman ng tropa ni coach Aric del Rosario ang nasabing panalo sa pagharap sa Emilio Aquinaldo College sa ganap na alas-4 ng hapon.
“Our goal is to make the Final Four and every win we can get will help us get there,” wika ni coach del Rosario
Natakasan lamang ng Altas ang Generals sa unang pagkikita, 72-71, kaya’t nananalig si del Rosario na patuloy ang ipinakikitang focus at determinasyon ng kanyang mga bataan para makaulit sa EAC na magpapalakas ng kanilang tsansa sa semis. (ATan)