MANILA, Philippines - Muling ipinakita ni dating Asian Games gold medalist R.J. Bautista ang kanyang dating porma para pamunuan ang mga second center finalists sa Bowling World Cup national championship.
Nagpagulong si Bautista, ang Busan Asiad gold winner at eighth-placer sa 1995 BWC international finals sa Las Vegas, ng 12-game series na 2754 pinfalls.
Iniwanan ni Bautista sina Rene Rodelas (2228), Jhun Gella (2187) at Ernesto Berroya (2178) sa Astrobowl center finals.
Ang national finals na magtatampok sa first at second center finalists ay idaraos sa Setyembre 15-16 sa Coronado Lanes, Setyembre 18-19 sa Paeng’s Midtown at Setyembre 21 sa SM Bowling North EDSA.
Ang magkakampeon sa national men’s at ladies classes ang kakatawan sa bansa para sa 48th Bowling World Cup international finals sa Nobyembre 24 hanggang Disyembre 2 sa Sky Bowling Centre sa Wroclaw, Poland.