MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay na pagdaraos ng 11.20.2011 Run for the Pasig River, isasagawa naman ng Kapit Bisig para sa Ilog Pasig ng ABS-CBN Foundation ang ikaapat na advocacy run na “09.30.2012 Run for the Pasig River” sa Setyembre 30.
Ang karera ang magpapalaganap sa paglilinis sa mga ilog at estero sa Metro Manila, habang ang pondong maiipon ang gagamitin para sa pagpapaayos ng daluyan ng tubig sa Quezon City-San Juan-Mandaluyong.
Ang tatlong major event categories para sa advocacy run ay ang 15K Bike Ride na sisimulan sa alas-4 ng umaga, ang 15K Commonwealth Challenge Run na pakakawalan sa alas-4:10 at ang 5K Morning Madness Run na nakatakda sa alas-6.
Ang starting line ay sa Quezon City Memorial Circle (QCMC) at dadaan sa Commonwealth Avenue at babalik sa QCMC para sa finish line.
Ang Kapit Bisig para sa Ilog Pasig ng ABS-CBN Foundation ay nakapag-organisa ng tatlong pakarera para sa Pasig River.