MANILA, Philippines - Sumandal ang Philippine team sa panalo ni Oliver Dimakiling sa Board Four para gulatin ang Moldova, 2.5-1.5, at manatili sa itaas kasama ang 32 pang bansa sa 40th World Chess Olympiad sa Istanbul Expo Center sa Turkey.
Tinalo ni Dimakiling si International Master Iulian Baltag sa 39 moves ng Queen’s Pawn Game na siyang naging susi sa tagumpay ng No. 35th-ranked na mga Filipino kontra sa 23rd-seed Moldovans.
Nakipag-draw sa kanilang mga karibal sina Grandmasters Wesley So, Oliver Barbosa at Mark Paragua.
Matapos ang 74 move sa Sicilian encounter ay nagpasiya ang No. 2652 na si So na makipag-draw kay No. 2734 Super GM Viktor Bologan sa top board.
Nakihati naman sa puntos si Barbosa kay GM Dmitry Svetushkin sa Board Two sa 53 moves ng Caro-Kann, habang nakipag-draw si Paragua kay IM Sergei Vedmediuc sa 73 moves ng Modern Defense.
Nagmula ang mga Pinoy sa 4-0 paggupo sa Libya sa opening round.
Nabigo naman ang mga Pinay sa women’s division nang makatikim ng 1.5-2.5 kabiguan sa 16th seed na Slovenia.
Tanging si Olympiad rookie at No. 1991 Janelle Mae Frayna ang nakakuha ng panalo mula sa isang 29-move win kontra kay No. 2240 Women Grandmaster Jana Krivec.