MANILA, Philippines - Kinamada ni Michelle Carolino ang lahat ng 20 puntos sa kills upang tulungan ang nagdedepensang Philippine Army sa 25-15, 25-21, 20-25, 25-21, panalo sa Ateneo upang manatiling nasa ikalawang puwesto sa pagtatapos ng first round elimination ng Shakey’s V-League Open Conference noong Martes sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagtapatan sina Carolino at Alyssa Valdez na may 19 kills tungo sa 21 hits pero kinulang ng suporta ang batikang manlalaro ng Lady Eagles upang ibigay sa Lady Troopers ang ikaapat na panalo matapos ang limang laro.
Si Jacqueline Alarca ay mayroong 10 kills tungo sa 13 hits at ang Philippine Army ay nagdomina sa spike department, 57-42.
May 3 service aces pa si Alarca para mangibabaw ang Army Ladies, 8-5, upang pawiin ang 2-9 iskor sa blocks.
May 10 hits pa si Rachel Ann Daquis habang walo ang ibinigay pa ni Joanne Bunag at ang nagdedepensang kampeon sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza ay nakabangon agad mula sa pagkatalo sa Sandugo-San Sebastian sa huling laro.
Bumaba ang first conference champion Ateneo sa 2-3 karta para malagay sa pang-apat na puwesto sa palarong may ayuda rin ng Accel at Mikasa.