MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon ay muling tatangkain ni Filipino pride AJ ‘Bazooka’ Banal na hirangin bilang isang lehitimong world boxing champion.
Lalabanan ng 23-anyos na si Banal ang 24-anyos na si Pungluang Sor Singyu ng Thailand para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown sa Oktubre 20 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang nasabing WBO bantamweight belt ay binakante ni Mexican Jorge Arce, naunang napabalitang hahamon kay unified world super bantamweight king Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Ayon kay Banal, marami siyang natutuhan sa kanyang 10th-round KO loss kay Rafael Concepcion ng Panama para sa interim World Boxing Association (WBA) super flyweight title noong Hulyo 26, 2008 sa Cebu City.
“Alam ko na ang gagawin ko this time. Marami akong pagkakamaling nagawa sa laban ko kay Rafael Concepcion na hindi ko na gagawin ngayon,” sabi ni Banal.
Ibinabandera ni Banal ang kanyang 28-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 20 knockouts, samantalang hawak ni Sor Singyu ang 42-1-0 (27 KOs) slate.
“I’m here to win and return to Thailand with the WBO bantamweight title,” wika naman ni Sor Singyu, ang 10 sa 14 Filipino boxers na tinalo at pinabagsak niya.
Ayon kay Banal, patuloy ang ginagawa niyang pag-eensayo para sa kanilang banggaan ni Sor Singyu, ang kasaluku-yang WBO Oriental bantamweight titlist.