MANILA, Philippines - Ikatlong sunod na panalo ang balak kunin ng lider na Sandugo-SSC at Philippine Army sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Open ngayong hapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Kalaban ng Army Ladies ang Cagayan sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng Lady Stags at Philippine Navy dakong alas-4. Ang huling laro ay sa pagitan ng mga collegiate teams na Ateneo at FEU.
Matapos ang dalawang laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza, ang Sandugo-SSC at Army ay may malinis na 2-0 karta habang ang first conference champion Lady Eagles at Rising Suns ay may 1-1 baraha. Nasa huling puwesto sa anim na koponang liga na may ayuda rin ng Accel at Mikasa ang Lady Tamaraws at Navy Ladies.
Napahirapan ang Lady Stags sa huling laban kontra sa Rising Suns nang mangailangan sila ng limang sets para makuha ang panalo.
Ngunit sa pagkakataong ito ay inaasahang hindi gaanong mabigat na katunggali ang Navy na huling yumukod sa Lady Eagles sa tatlong sets.
Ang Lady Troopers ang mapapalaban ngayon dahil de kalidad din ang lakas ng bagitong Cagayan.
Ang mga laro ay mapapanood ng live streaming sa www.v-league.ph habang ang pagsasaere sa AKTV ng larong FEU-Army ay ngayong ika-7 ng gabi.