MANILA, Philippines - Naibulsa ng 13-anyos na si Cheska Centeno ang unang panalo pero minalas naman si Iris Ranola sa kanyang laban na nangyari sa pagbubukas kahapon ng group stage sa WPA 4th Annual Yalin Women’s World 10-Ball Championship sa Robinson’s Galleria sa Ortigas.
Si Centeno ay nagpakita ng tibay ng dibdib nang kunin ang huling dalawang racks sa race-to-6 match tungo sa 6-4 panalo laban kay Noriko Onoda ng Japan.
“Masyadong dikit ang laban namin at sinuwerte rin ako at naging matatag ako,” wika ni Centeno, kasapi ng national pool na nasali rin sa Philippine National Games sa Dumaguete City noong Mayo.
Si Ranola, na double gold medalists sa Indonesia SEA Games ay nabigo naman laban kay Kimura Maki ng Japan sa 6-4 iskor.
Ininda ni Ranola ang pagsablay sa 9-ball para ibigay sa katunggali ang 5-4 kalamangan.
Mula rito ay hindi na nagpabaya pa si Maki at nanalo uli sa 10th rack para kunin ang tagumpay
“Mahirap talagang ipasok. Pero kung naipasok ko yun, ako sana ang malamang na nanalo,” wika ni Ranola.
Nahaharap ngayon si Ranola sa must-win laban kay Charlene Chai ng Singapore para manatiling buhay ang hangaring makaabante sa main draw.