TAIPEI--Panalo kaagad ang ipinoste ng Smart Gilas II sa pagsisimula ng 34th Jones Cup basketball competition matapos talunin ang Jordan, 88-78, kagabi sa Taipei PE College Gymnasium dito.
Bagama’t naghanap ng tamang kombinasyon si head coach Chot Reyes, nalampasan pa rin ng Nationals ang hamon ng mga Jordanians, natalo sa China sa finals ng 2011 FIBA Asian Championship.
Inilista ng Smart Gilas II ang 1-0 baraha sa naturang one-round-robin.
Umiskor rin ng panalo ang Iran, ang 1997 at 1999 Asian champions, at ang Anyang KGC na isang South Korean club team na binanderahan nina imports Juan Patillo at Garrett Stutz matapos gibain ang Lebanon at Chinese-Taipei B, ayon sa pagkakasunod.
Wala si 7-foot-1 main man Hamed Haddadi, sumandal ang Iran kina forward Samad Bahrami at guard Hamed Afagh para talunin ang Lebanese, 89-74.
Nagtuwang naman sina Stutz at Patillo para sa kanilang 30 points upang igiya ang Koreans sa 109-83 panalo kontra sa Taiwanese.