Mainit na panimula asam ng Army

MANILA, Philippines - Bubuksan ng nagde­de­pensang Philippine Army ang kampanya sa ika­lawang sunod na titulo sa pagharap sa Navy sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Open ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.

Ang tagisan ay una sa tatlong larong magbibigay-kulay sa pagsisimula ng second conference ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at may ayuda rin ng Accel at Mikasa.

Matapos ang larong ito na itinakda sa ganap na ika-2 ng hapon, sunod na magbabanggaan ay ang Cagayan at FEU dakong alas-4 at ang mahigpitang tagisan ng Ateneo at Sandugo dakong alas-6 ng gabi.

Ang mga larong ito ay mapapanood sa live strea­ming sa www.v-league.ph at isasaere rin ng AKTV.

Tinalo ang San Sebastian sa finals noong nakaraang taon, mangunguna sa Army ang magkapatid na sina Mayeth at Michelle Caro­lino bukod pa kina Joanne Bunag, Dahlia Cruz at Tina Salak.

Sina Micmic Laborte, Joan Carpio at Janet Sera­fica naman ang babandera sa Navy.

Ang Sandugo ang siyang paborito sa liga dahil nakuha nila ang mga Thai imports na sina Jeng Bualee at Utaiwan Kaensing. Nasa koponan din sina dating MVP Nene Bautista at Suzanne Roces bukod pa kina Angela Benting, Joy Benito at Rubie de Leon.

Show comments