Bradley nagpapansin

MANILA, Philippines - Sa hangaring maka­kuha ng atensyon para ma­­itakda ang kanilang rematch sa Nobyembre 10, sinabi ni WBO welterweight champion Timothy Bradley, Jr. na takot ang kampo ni Manny Pacquiao na la­banan siya.

Ayon kay Bradley, nag-aalangan ang grupo ni Pacquiao na muli siyang sagupain matapos ang kanyang kontrobersyal na split decision win para agawin kay ‘Pacman’ ang suot nitong WBO welterweight crown noong Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

“To be honest with you, I think a lot of people on that side are scared,” sabi ni Bradley sa panayam ng The Desert Sun.

Sinabi pa ng 29-anyos na si Bradley na sa kanilang rematch sa Nobyembre 10, nakasaad sa kanilang fight contract, ay bubugbugin niya ang 33-anyos na Filipino world eight-division champion para patunayan ang kanyang naunang pa­nalo.

“He couldn’t knock me out with two peg legs. Me healthy, I’m going to beat him worse,” ani Bradley.

Noong nakaraang linggo ay bumisita si Bob Arum ng Top Rank Promotions sa Pilipinas kung saan niya inilatag kay Pacquiao (54-4-2, 38 knockouts) ang mga maaari niyang labanan sa Nobyembre 10.

At ang mga ito ay sina Bradley (29-0, 12 KOs), four-division title-winner Juan Manuel Marquez (54-6-1, 39 KOs) at three-division king Miguel Cotto (37-3, 30 KOs).

Ngunit umalis sa bansa si Arum na walang nakuhang opisyal na desisyon mula sa Sarangani Congressman.

“If Manny wants to do it, let’s do it. It’s been a circus around here. I’ve been sitting around here waiting. I want the fight but he hasn’t decided yet,” sabi ni Bradley.

Sa pamamagitan naman ng isang email sa RingTV.com, sinabi ni Nevada State Athletic Commission executive director Keith Kizer na nagpareserba si Arum sa MGM Grand para sa laban ni Pacquiao sa Nobyembre 10.

“Top Rank requests the date of Nov. 10th, 2012 for a Pacquiao event at the MGM Grand on HBO PPV vs. t.b.a.,” ani Kizer sa bo­xing website.

Show comments