Tapos na ang palabas. Nagsara na ang London Olympics.
Ngayon pa lamang ay marami na ang komento na ating naririnig. May seryoso, may nagpapatawa, at mayroon din namang sarkastiko.
Kung tutuusin ay isa na yata itong cycle sa tuwing lalahok ang bansa sa Olympics, uuwi nang wala namang gintong medalyang dala. At siyempre nagsisihan na ang lahat ng mga sports officials, at ang iba naman ay nakikisakay na lamang.
Pero pagkatapos ng mahigit isang linggo (hindi nga tayo umabot ng isang linggo) na pakikibaka sa Olympics, ano nga ba ang dapat nating gawin at pagtuunan ng pansin?
Noong isang araw nga, habang binabasa ko ang ilang mga komento, naisip ko na hindi kaya resiklo na lamang ang mga ito. Sa tuwing sasali tayo sa Olympics at uuwing luhaan lagi na lamang ganyan ang mga balita, may nagsasabing dapat salain ang mga atletang isasama, dapat iprayoridad ang sports, dapat at maraming dapat.
Siyempre pa, hindi mawawala ang napakaraming suhestiyon ng “magagaling” at “naggagaling-galingan” sa sports. Pero sa mga suhestiyon na ito, ang klasiko ay ang suhestiyon (at palagi na lamang ito) na dagdagan ang pondo sa sports.
Totoo nga na maliit ang pondo sa sports ng gobyerno, pero kung ikukumpara sa ibang bansa na nagkaroon ng medalya sa Olympics, ay malaki na ito. Kahit pa gaano man kalaki ang pondo sa sports, kung ito ay hindi naman gagamitin ng maayos, wala ring mapapala ang mga atleta, at mabuti pa na halikan natin nang pamamaalam ang hangad nating gintong medalya sa Olympics.
Isa pang dapat na tingnan ay ang “gawi” ng mga National Sports Associations (NSAs). Hindi kaila na kabi-kabila ang bangayan sa mga ito. Pati na ang Philippine Olympic Commitee at Philippine Sports Commission ay damay-damay na.
Hindi ba’t ang sports ay nagdudulot nang pagkakaisa. Pero dahil sa iba’t iba at magkakahalo nang interes, at kawalan na ng pokus, naisisira na ang hangad natin sa totoong objective, ang gintong medalya sa Olympics.
Hindi ako susulat nang pagbanat o paninita sa mga opisyal natin sa sports, alam na kasi nila noon pa kung ano ang nararapat nilang gawin, ang hindi lang natin tiyak ay kung nasa puso pa nila ang bagay na ito.