Ateneo, NU nanalasa sa UAAP badminton
MANILA, Philippines - Sumulong sa ikatlong sunod na panalo ang nagdedepensang Ateneo at runner-up National University sa 75th UAAP men’s badminton na nagdaos ng laro kahapon sa Rizal Memorial Badminton hall.
Ang MVP noong nakaraang season na si Toby Gadi ay hiniya si Wilfredo Amoroso sa unang singles, 21-8, 21-15, para pasimulan ang malakas na laro ng Eagles laban sa FEU na kanilang tinalo sa 4-1 iskor.
Sunod na nanalo sa Ateneo ay si Patrick Natividad na nangailangan lamang ng 20 minuto para patalsikin si John Christian Mendez, 21-11, 21-9. Ang ikatlong panalo ay hatid nina Gadi at Justin Natividad laban kina Amoroso at Ian Bautista, 21-11, 21-10, habang si Justin Natividad ang nagbigay ng ikaapat na panalo laban kay Diosdado Abangan, 21-10, 21-10.
Sina Mendez at Nico Saquin ang nag-iwas sa Tamaraws na mabokya sa laban nang angkinin ang 21-19, 21-14, panalo kay Raphael Alonso at Arlo Madrid.
Wala ring hirap ang Bulldogs na tinalo ang La Salle sa 4-1, at si Jopher Escueta ang nanguna sa koponan nang manalo sa dalawang laro.
Sa mahigpitang 21-10, 24-22, nanaig si Escueta kay JC Clarito sa unang singles bago nakipagtulungan kay Andrei Babad upang kunin ang 21-16, 21-12, tagumpay laban kina Carlos Cayanan at Gerald Sibayan.
- Latest
- Trending