LONDON--Kailangang magkaroon ng sariling venue ang athletics dahil kung hindi ay mahihirapan na silang makapagbigay ng karangalan sa bansa.
Ito ang sinabi ni Marestella Torres na nabigong umabante sa finals sa women’s long jump sa London Olympics.
May 6.22m lamang ang kanyang pinakamalayong lundag na naitala upang maalis agad sa qualifying jump.
Masakit kay Torres ang nangyari pero wala siyang magagawa kundi ang tanggapin ito.
Ginawa rin niya ang lahat na puwedeng gawin kasama rito ang maghanap ng mapagsasanayang lugar dahil hindi na puwedeng gamitin ng athletics team ang Rizal Memorial Track and Field Stadium dahil ginawa na itong football field para sa Azkals.
Sa Laguna Sports Complex pa nagsasanay ang koponan at madaling araw sila bumibiyahe at sa gabi ay kinakailangan pang umuwi dahil sa Rizal Memorial sila naka-billet.
“I had already told them before that we badly need a training venue,” wika ni Torres.
“It would be very unprofessional on our part if we discontinued training just because we don’t have a suitable venue. We just find a way to train for our love of the sport and our desire to bring honor to our country,” dagdag nito.
Bukod sa kawalan ng venue, naapektuhan din siya ng pabagu-bagong klima sa London upang sumama ang kanyang performance.
Sa ngayon ay pilit nang kinalilimutan ni Torres ang nangyari at naka-sentro ang isipan sa sunod na malaking kompetisyon na SEA Games sa Myanmar sa 2013 at ang Asian Games sa 2014 sa Korea.