Team Manila pasok sa finals ng World Series Big League Softball

MANILA, Philippines - Inangkin muli ng Team Manila ang puwesto sa World Series Big League Softball finals nang pataubin ang Pennsylvania, 11-6, sa pagtatapos ng eliminasyon no­ong Martes sa Vandenberg Park sa Ka­lamazoo, Michigan.

Ang panalo ay ikaanim na sunod ng Team Manila para pawiin ng koponang kumakatawan sa Asia-Pacific ang naunang dalawang kabiguan at makakalaro sa Fi­nals sa ikaapat na pagkakataon sa huling limang taon ng liga.

Si Michelle Lentija ang siyang lumabas na winning pit­cher matapos limitahan ang kalaban sa limang hits at apat na run sa 5 1/3 innings na pagpukol habang ang short­stop na si Queeny Sabobo ang siyang nag-init sa pag­palo nang magtala ng 5 RBIs gamit ang dalawang homeruns.

May 13 hits ang ginawa ng Team Manila sa losing pit­cher na si Lauren Antosh at sina Rizza Bernardo at Len­tija ay may tig-isang homerun din para katampukan ang naglalagablab na opensa.

Ang nagdedepensang Grand Rapids ng Michigan ay tu­mapos din taglay ang 6-2 karta pero ang Manila ang uma­bante sa bisa ng 12-2 panalo noong Lunes.

Ang California na kumakatawan sa West ang siyang makakalaban ng Team Manila sa Finals sa Miyerkules matapos pangunahan ang single round elimination sa 7-1 karta sa siyam na koponang liga.

Show comments