Wasak sa Kazakh
Winasak ng Canadian referee na si Roland Labbe ang pangarap ni Mark Anthony Barriga na makapag-uwi ng medalya mula sa London Olympics.
Malinaw na napaburan ng referee ang kalaban ni Barriga mula sa Kazakhstan sa kanilang dikit na laban sa round of 16 ng 49kg division nung Sabado.
Lumamang na si Barriga papasok sa third and final round, 10-8, at nang malaman ito ni Birzhan Zhakypov ay isa na lang ang paraan para manalo ang pumasok sa isip niya.
Binara-bara niya si Barriga.
Yumakap ng yumakap si Zhakypov at tuwing pumapalag si Barriga ay pilit niya itong itinutumba sa sahig, Mukhang master ito ni Zhakypov na minsan tuloy ay mukhang si Barriga ang may kasalanan.
Malinaw na hindi handa si Barriga sa ginawa sa kanya. Napagod siya sa wrestling tactics ni Zhakypov na patuloy ang tapon ng suntok.
Nanghina si Barriga at bagamat sumusuntok pa rin naman siya ay nagkaroon ng tsansa si Zhakipov na makalapit sa score. Naging clincher na lang ang tawag ng referee papasok sa huling minuto ng laban.
Binawasan niya ng puntos si Barriga para sa headbutt na mukhang si Zhakypov din ang nag-initiate ng contact. Sa huling segundo, nagbawas ulit ang referee ng puntos sa dalawang boxers.
Kaya sa huli, panalo si Zhakypov, 17-16.
Umiral na naman ang tinatawag na “mafia” sa amateur boxing at hindi kataka-taka na pinaburan ng referee o maging ang mga judges na rin ang Kazakhstan.
Maging ang mga AIBA officials na hindi man lang gumawa ng review ng laban matapos mag-protesta ang mga Pilipino. Dali-daling na-turn down ang protesta.
Bakit nga naman papaburan ang Pilipinas eh wala naman tayong naibibigay sa AIBA, sa mga judges at maging sa mga referees.
Isang dating opisyal ng Philippine amateur boxing ang nagsabi noon na, “Mani lang ang pinapakain natin sa kanila ang kabila steak ang binibigay.”
Maliwanag na mahina tayo sa AIBA (International Amateur Boxing Federation).
Nagpatayo pala ang Kazakhstan ng AIBA Boxing Academy sa bansa nila at sinagot nila ang lahat ng gastos na sinasabing umabot sa $13 million.
Ano ang kapalit? Labing-isang boxers mula sa Kazakhstan ang nakakuha ng slots sa London Olympics at anim sa kanila ay nasa quarterfinals na.
Tiyak may gold medal sila sa London Olympics.
Pumusta ka pa.
- Latest
- Trending
























