LONDON — Nasa magandang kondisyon at nakatuon sa kanyang nalalapit na laban.
Ito si long jumper Marestella Torres noong Lunes ng hapon nang pinanood ang mga laro sa track and field event ng 30th Olympic Games sa telebisyon sa Athletes Village kasama sina shooter Brian Rosario at swimmer Jasmine Alkhaldi.
“Nag-train ako ng matagal. Alam kong maganda ang maipapakita ko,’’ sabi ni Torres bago ang kanyang laban. “Sa totoo lang, napakabigat ng laban. Pero tiyak na ibibigay ko ang lahat ng makakaya ko.”
Sasabak ang 31-anyos na si Torres sa women’s long jump ngayong alas-7 ng gabi (Miyerkules ng alas-2 ng hapon sa Maynila) kung saan pipilitin niyang lampasan ang kanyang personal best na hindi niya nagawa noong 2008 Beijing Olympics.
Sa Beijing Games, nagtapos si Torres bilang pang 34 sa kabuuang 38 lahok mula sa kanyang lundag na 6.17 meters.
Ang qualifying jump para makapasok sa finals ay 6.70 meters na hindi pa nakukuha ni Torres sapul nang magtala ng 6.71m sa 2011 Southeast Asian Games sa Indonesia.
Samantala, handa naman si BMX rider Danny Caluag na harapin ang malaking hamon sa kanyang event.
“It’s an honor and I’m very aware of that challenge. All my teammates including the two in track and field who are still competing are very supportive of me. I appreciate it,’’ sabi ni Caluag, sasabak sa aksyon sa Agosto 8.
Kabilang sa mga makakaharap ng 25-anyos na si Caluag sa kanyang event ay sina No. 1 Sam Willoughby ng Australia, No. 2 Connor Fieldes ng United States at defending champion Maris Strombergs ng Latvia.