Tamaraws sinuwag ang Maroons; Bulldogs umiskor sa Falcons
MANILA, Philippines - Gumawa ng bagong career-high si Terrence Romeo para pangunahan ang 73-70 panalo ng Far Eastern University laban sa UP sa 75th UAAP men’s basketball kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.
May 24 puntos si Romeo at kumasa ng 5-of-7 shooting sa 3-point arc, ngunit ang kanyang mahalagang puntos ay nagmula sa freethrow line nang tapyasan ng Maroons ang 68-53 kalamangan ng Tamaraws sa 70-71.
Nauna rito, nagkaroon ang UP ng pagkakataon na maitabla ang laro nang nalagay sa 15-foot line si Mark Lopez pero sablay ang kanyang ikalawang freethrow.
May 9 rebounds, 8 assists at 2 steals si Romeo, habang si Anthony Hargrove ay naghatid ng 10 puntos at 9 rebounds at nakatabla ng Tamaraws sa liderato ang nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa magkatulad nilang 5-1 baraha.
Si Mike Silungan ay mayroong 12 puntos para sa Maroons (0-4).
Nagtala rin ng panalo ang Bulldogs (4-2) nang lapain ang Adamson (1-3) sa pamamagitan ng 77-62 panalo sa unang laro.
- Latest
- Trending