Caluag sumemplang sa ensayo
LONDON --Nadulas si BMX rider Danny Caluag ng Team Philippines sa kanyang pagpadyak at nagalusan sa kanyang pag-eensayo sa 30th Olympic Games.
Sumemplang ang 25-anyos na Fil-American sa kanyang pagliko matapos lundagin ang high ramp at ipinagpaliban ang ilang laps patungo sa kanyang team vehicle pabalik sa Athletes Village.
“Nothing to worry about. It’s normal in BMX,’’ sabi ni Caluag, inililis ang kanyang sweater kung saan nakita ang nangingitim niyang kanang kamay at kanang balikat nina Team PH chief of mission Manny Lopez at administrative officer Arsenic Lacson habang nakatingin ang kanyang kasintahang si Stephanie.
Ayon kay Stephanie, nagbuhol ang pedal handler ni Caluag matapos lumundag sa isang rampa na may taas na walong metro kasunod ang kanyang pagkakadulas.
Alam din ni Stephanie, nagsisilbing mekaniko rin ni Caluag at isa ring BMX rider, na walang nangyaring masama sa kanyang nobyo.
Siya ang ikatlong miyembro ng 11-man Team Phl na hindi pa naglalaro sa kalahatian ng 14-day global sporting meet.
Ang dalawa pa ay sina long jumper Marestella Torres at 5,000-meter bet Rene Herrera .
Makikita sa aksyon si Caluag sa Agosto 8 sa kanyang pagsabak sa isa sa apat na ranking races sa loob ng Olympic Park.
- Latest
- Trending