MANILA, Philippines - Aasintahin ni dating women’s WBO at IBO super bantamweight champion Ana Julaton ang ikatlong panalo sa Yucatan, Mexico sa pagbangga kay Abigail “Pinguita” Ramos ngayong araw.
Tinalo na ng 32-anyos na si Julaton sina Jessica Villafranca at Yolanda Segura sa kanyang unang dalawang laban sa Yucatan upang bigyan ng taguri bilang “The Yucatan Princess”.
May 11 panalo sa 15 laban, hanap ni Julaton na manalo kay Ramos para mabigyan uli ng pagkakataon na mapalaban sa world title.
Si Magali Rodriguez sana ang katapat ni Julaton sa labang ito pero biglang ‘di na nagpakita ang inasintang katunggali upang kunin na lamang si Ramos na may 3-3 karta kasama ang 2 KO.
Walang kumpiyansa sa katawan naman si Julaton kahit di kilala ang kalaban at di kagandahan ang kanyang record.
“This is still a major fight for me. Ramos has nothing to lose and will bring it all and I have to be prepared accordingly,” wika ni Julaton.
Ang laban ay mapapakinggan naman ng live sa Super Radyo DZBB 594khz sa ganap na alas-11:45 ng umaga habang ang ere sa GMA 7 ay gagawin sa Linggo mula alas-11 hanggang alas-12 ng tanghali.