MANILA, Philippines - Ang mga hard fouls ni 6-foot-6 Beau Belga sa fourth quarter ang siyang naging dahilan ng pagbagsak ng Elasto Painters.
Lalong nag-init sa kanilang opensa dahil sa mga fouls ni Belga, nagtayo ang B-Meg ng isang 20-point lead sa 6:19 ng final canto para talunin ang Rain or Shine, 97-81, sa Game Six at itabla ang kanilang championship series para sa 2012 PBA Governors Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ang ikalawang sunod na panalo ng Llamados ang nagtabla sa kanilang best-of-seven championship series ng Elasto Painters sa 3-3 patungo sa napakahalagang Game Seven bukas sa Big Dome.
Nanggaling ang B-Meg, nagkampeon sa nakaraang 2012 PBA Commissioner’s Cup, sa 1-3 pagkakabaon sa kanilang serye ng Rain or Shine.
Sa tatlong koponang nakabangon mula sa isang 1-3 pagkakabaon sa isang title series, ang Ginebra lamang ang nakasikwat ng titulo matapos balikan ang Shell sa 1991 First Conference Finals tampok ang winning fadeaway basket ni Rudy Distrito.
Ang Purefoods (2006 Philippine Cup) at ang Talk `N Text (2011-12 Philippine Cup) ang dalawa ring tropang nakabawi sa 1-3 deficit subalit ito ay nangyari sa semifinals series.
Sina two-time PBA Most Valuable Player James Yap, import Marqus Blakely at rookie Mark Barroca ang nagbida sa second period kung saan itinala ng Llamados ang isang 13-point lead, 35-22, kontra sa Elasto Painters sa 5:06 nito.
Buhat sa 30-44 pagkakaiwan, isang maikling 8-2 atake ang ginawa nina Best Import Jamelle Cornley, Ryan Araña at Gabe Norwood para sa 38-46 agwat ng Rain or Shine sa 9:29 ng third quarter hanggang ihulog ng B-Meg ang isang 12-4 bomba upang muling makalayo sa 58-42 sa 4:37 nito.
Sa final canto matapos makadikit sa 65-73, ang hard foul ni Belga kay Rafi Reavis sa 8:49 ang nagresulta sa 11-0 ratsada ng Llamados, tampok dito ang dalawang krusyal na three-point shot nina PJ Simon at Jonas Villanueva, para iwanan ang Elasto Painters sa 84-65 sa 6:51 ng laro.
B-MEG 97 - Yap 20, Blakely 19, Simon 16, Villanueva 11, Barroca 8, De Ocampo 8, Urbiztondo 7, Reavis 6, Pingris 2, Gaco 0, Burtscher 0.
RAIN OR SHINE 81 - Cornley 14, Tang 13, Norwood 12, Quinahan 9, Chan 7, Buenafe 7, Ibanes 7, Belga 6, Arana 4, Cruz 2.
Quarterscores: 19-13, 42-30, 65-56, 97-81