LONDON--May sigla na binati ni Tomohiko Hoshina ang mga atletang nasasalubong sa maulang Lunes ng umaga sa Olympic Village.
Kung mapapanatili ni Hoshina ang pagiging magiliw sa mga darating na araw ay malalaman matapos siyang sumalang sa unang laro sa heavyweight division sa judo na magtatapos ngayong araw.
Ang anak ng Hapon sa isang Filipina na mula Malolos, Bulacan ay masusukat agad sa pagbangga kay Kim Sung Min ng South Korea.
Si Kim ay may taas na 6-foot-3 at tumitimbang ng 280 pounds laban kay Hoshina na isang 5-foot-8 judoka na may timbang na 270 pounds lamang.
Inihayag ni Hoshina na unang pagkakataon niyang makakalaban si Kim na naglaro at kuminang rin sa mga idinaos na World at Asian Championships.
Ang kanyang maipapangako ay ibibigay ang lahat ng makakaya upang makaabante sa second round.
Si Hoshina ay nakasali sa Olympics nang magkaroon siya ng 27 ranking points na naipon sa paglahok sa 2001 World Championship sa Paris at 2011 Asian Championship.
Isa siyang high school teacher at sumasahod ng $3,500 pero iniwan niya panandalian ang kanyang propesyon upang maranasang mapalaban sa Olympics na bibihira lang mangyari.