MANILA, Philippines - Sa puntong tila nasa bulsa na ni Johnny Archer ang panalo, nag-iba ang ihip ng hangin at nakuha ni Alex Pagulayan ang mahalagang break upang hiranging kampeon sa 2012 Southern Classic 9-Ball Championship na pinaglabanan sa Accu-Stats Simonis Arena sa Harrah’s Casino at Hotel sa Unica, Mississippi, USA.
Ito ang ikalawang sunod na torneo na nagkasukatan sa finals ang dalawang batikang cue-artist at nanaig na si Pagulayan kay Archer sa Diamond 10-Ball Challenge na pinaglabanan noong Biyernes ng gabi.
Naitakda ang ikalawang tagisan sa Southern Classic 9-Ball noong Sabado nang manalo si Pagulayan kay Shane Van Boening ng USA at si Archer ay nanaig kay Warren Kiamco ng Pilipinas sa semifinals.
Mainit ang panimula ni Pagulayan nang lumayo agad sa 6-1 sa race to seven match ngunit nabigyan ng pagkakataon si Archer na makatira at inagaw niya ang momentum upang manalo ng limang sunod na rack para maitabla ang laban sa 6-all.
Winner’s break ang labanan at sargo ni Archer ang mahalagang 13th rack. May pumasok sa kanyang sargo ngunit walang tira sa one-ball.
Sa pabandang tira ni Archer ay muntik na pumasok ang 9-ball kaya’t napasigaw si Pagulayan na huminto ang nasabing bola at kumalat ang iba tungo sa madaling run-out at panalo.
Apat na titulo ang pinaglabanan sa torneo at lumabas bilang pinakamahusay si Pagulayan nang mapagharian ang dalawa, 10-ball at 9-ball, at pumangalawa sa Bank Pool division.