Barriga tatanggap ng bonus kay Pacquiao kapag nanalo ng medalya
MANILA, Philippines - Binigyan ni Pambansang kamao Manny Pacquiao ng dagdag na motibasyon ang natatanging Pinoy boxer na naglalaro sa London Olympics.
Si Pacquiao na nag-iisang boksingero sa mundo na nanalo ng walong titulo sa magkakaibang dibisyon ay nangakong magbibigay ng hiwalay na bonus kung makapag-uwi ng medalya ng kahit anong kulay si Mark Anthony Barriga
Ang 19-anyos na si Barriga ay nanalo kay Manuel Cappai ng Italy, 17-7, sa unang laban sa light flyweight division. Nagawang manalo ni Barriga kahit mas matangkad ng anim na pulgada ang katunggali at nabalewala niya ito gamit ang pagiging agresibo at husay sa counter-punching.
Hindi napanood ni Pacquiao, Kongresista rin ng Sarangani Province, ang nasabing laban pero nagalak siya sa balitang nanalo ito lalo pa’t pareho sila na maliit at kaliwete bukod pa sa pagkakaroon ng malaking puso kung lumaban.
“Sabihin ko sa kanya may bonus siya sa akin pag nag-medal siya,” wika ni Pacquiao, ang flag bearer ng pambansang delegayon noong 2008 Beijing Olympics, nang nakapanayam ng The Star noong Martes ng gabi.
Hindi naman binanggit ni Pacquiao kung magkano ito pero tiyak niyang matutuwa si Barriga sa kanyang ibibigay.
Natuwa naman si Barriga nang ipaalam ang bagay na ito sa kanya.
“Kilig na kilig. Totoo raw ba yon?” wika ni ABAP executive director Ed Picson na siyang nagsabi ng magandang balita na ito sa batang boksingero.
“Pakisabi raw kay Cong. Manny Pacquiao salamat,” dagdag ni Picson.
Ang pamahalaan ay may ibibigay na insentibo sa mga magmemedalya sa London Olympics na P1 milyon bawat bronze, P2.5M bawat pilak at P5M sa bawat ginto.
Si ABAP chairman Manny V. Pangilinan ay may hiwalay na insentibo para lamang sa boxing at tumataginting na P12 milyon ang premyo ng makakakuha ng gintong medalya, P3 milyon ang pilak at P1 milyon ang bronze medal.
- Latest
- Trending