LONDON--Kung pangit ang ipapakita ni Rachelle Ann Cabral ay inaasahang siya ang magiging ikalawang Filipino athlete na uuwi ng bansa na malungkot.
Nakatakdang labanan ngayong hapon ni Cabral si Inna Stepanova ng Russia sa kanilang head-to-head duel sa 30th Olympic Games archery competitions.
Magtatagpo sina Cabral at Stepanova sa ganap na alas-3:25 ng hapon para sa agawan sa tiket sa round-of-16 sa Lord Cricket’s grounds.
Naglista si Cabral ng 627 points sa 72-arrow, 70-meter ranking round kamakailan at tumapos bilang pang 48 sa kabuuang 64 archers mula sa kanyang 627 total.
Ang 22-anyos na si Stepanova, isang physical education student, ay pumuwesto bilang No. 17 matapos magtala ng 653 points sa ilalim ng 671 nina South Koreans Ki Bo Be at Lee Sung-jin at Taipei bet Tan Ya-Ting.
Bukas naman ng hapon papana si Mark Javier laban kay American Brady Ellison, isa sa mga archers na magbibigay ng mabigat na laban sa grupo ng South Korean na pinamumunuan ng bulag at world record holder na si Im Dong Hyun.
Tumapos ang 30-anyos na si Javier bilang No. 55 sa ranking round galing sa kanyang 649 points.