6th win pakay ng Baste, JRU

MANILA, Philippines - Ikaanim na panalo na magpapanatili sa San Se­bastian at Jose Rizal University sa liderato ang nais kunin ng dalawang koponan sa pagbabalik-aksyon ng 88th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Parehong may iisang 5-1 karta ang Stags at Heavy Bombers matapos ang anim na laro at kailangan nilang manalo pa upang hindi malaglag sa pagsalo sa Perpetual Help na patuloy na ginugulat ang liga sa kahanga-hangang 6-2 baraha.

Kalaban ng tropa ni coach Topex Robinson ang Emilio Aguinaldo College sa ganap na alas-4 ng hapon bago sundan ng tagisan ng bataan ni coach Vergel Meneses laban sa St. Benilde.

May losing record ang Blazers (3-4) at Generals (1-6) pero lalaban pa rin ang mga ito para makahabol pa sa tagisan para sa Final Four.

“Wala kang puwedeng biruin sa liga na ito dahil lahat puwedeng manalo. Kaya dapat ay focus lagi ang mga players,” wika ni Robinson na sasandal sa husay nina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual.

Show comments