MANILA, Philippines - Sadyang kakaiba si Jason Agravante.
Kung karamihan sa mga runners ay hindi makatakbo ng maayos kapag umuulan, mas komportable naman ang 23-anyos na tubong Silay, Negros Occidental na dumaan sa mga basa at madudulas na kalsada.
“Hindi naman nakaapekto sa akin ‘yung ulan. Mas maganda ngang tumakbo kapag umuulan eh, kasi presko at hindi mo mararamdaman ‘yung pagod,” sabi ni Agravante matapos pagharian ang 42.196-kilometer Metro Manila leg ng 36th Milo National Marathon kahapon sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Nagsumite ang 5-foot-5 na si Agravante ng tiyempong dalawang oras, 39 minuto at 57 segundo para talunin sina Elmer Sabal (2:45:16) at Gerald Sabal (2:46:10) sa naturang 42K event na sinalihan ng 2,040 runners bukod pa sa 3,264 sa 21K, 3,126 sa 10K, 27,110 sa 5K at 2,889 sa 3K para sa kabuuang 38,429 entries.
Sa kanyang panalo, nakamit ni Agravante, kasalukuyang walang trabaho, ang premyong P50,000 na pinakamalaki na niyang natanggap bilang isang runner.
“Hindi ko pa alam kung ano ang gagawin ko sa premyo ko kasi hindi ko expected na ako ang mananalo dito sa Metro Manila eliminations,” sabi ng binatang si Agravante, pumang lima sa 2011 Milo National Finals sa kanyang oras na 2:34:03. “Siguro ilalagay ko muna sa bangko saka ko pag-iisipan kung ano ang gagawin ko sa pera.”
Mula sa pagputok ng starting gun ay hindi binitawan ni Agravante ang unahan hanggang tuluyang makalayo sa huling 15 kilometro ng karera patungo sa kanyang tagumpay.
“May nakasabayan din akong tatlong Kenyans, pero naiwanan ko rin,” ani Agravante sa tatlong Kenyans na nagsilbing ‘guest runners’ dahil tanging sa Milo National Finals lamang sila maaaring tumakbo bilang official entry. “Proud pa rin ako na tinalo ko sila kahit ganoon.”
Sa 2011 Milo National Finals, ang mga Kenyans na sina James Tallam (2:28:02), Willy Rotch (2:28:29), Abraham Missos (2:29:27) at David Kipsang (2:31:05) ang umangkin sa No. 1 hanggang No. 4 spots, ayon sa pagkakasunod.
Sa women’s division, muli namang dinomina ni two-time Milo National Finals queen Jho-An Banayag ang labanan matapos maglista ng oras na 3:02:20 para ungusan sina Jennylyn Nobleza (3:27:44) at Luisa Raterta (3:23:55) upang sikwatin din ang premyong P50,000.
Ang nasabing tiyempo ng 29-anyos na si Banayag, ang 2005 at 2006 Milo National winner, ay malayo sa dati niyang 2:53:37 sa 2011 Metro Manila eliminations.
“Mas pagagandahin ko pa ‘yan pagdating ng National Finals,” pangako ni Banayag, ang gold medalist sa 2009 Southeast Asian Games sa Laos, sa kanyang paghahanda para sa 2012 Milo National Finals na nakatakda sa Disyembre 9 sa MOA grounds kung saan ang magkakampeon sa men’s at women’s category ay tatanggap ng tig-P300,000.
Si Mary Grace Delos Santos ang nagreyna sa 2011 Milo National Finals sa kanyang bilis na 2:53:07 kasunod sina Banayag (2:55:08) at Mary Joy Tabal (3:01:41).
Sa men’s 21K, nanguna si Rafael Poliquit, Jr. ng Far Eastern University (1:14:32) kasunod sina Gregg Vincent Osorio (1:14:47) at Immuel Camino (1:18:09), habang namuno naman sa women’s class si Nhea Ann Barcena (1:33:38) sa itaas nina Janeth Lumidaw (1:34:23) at Judy Joy Pasaporte (1:49:33).
Bumandera naman sa men’s 10K si Kenyan Benjamin Kipkazi (0:32:00) para talunin sina Tuwei Samson (0:32:01) at Richard Salano (0:32:17) at binigo ni Mercedita Fetalvero (0:40:47) sina Mars De Vera (0:44:11) at Noelle Frances De Guzman (0:49:41) sa women’s category.