Bagong Phl record pipilitin ni Diaz buhatin
LONDON--Pipilitin ni Southeast Asian bronze medalist Hidilyn Diaz na makapagtala ng bago niyang personal mark sa Group B kung saan isinuko na niya ang gold, silver at bronze medals kay Chinese Olympic champion Li Xueying at kina Sirikaew Pinsiri at Ratikiaanh Gulnoi ng Thailand sa finals ng Olympic weightlifting competitions na sisimulan sa Lunes sa Excel-South Arena 3 ng Olympic Village.
Sasabak si Diaz, susubukang basagin ang kanyang personal best na 225 kilogram, sa women’s 58kg event.
Ang entry total na 225 kg. ni Diaz ang siyang ikalawang pinakamataas sa kanyang grupo sa likod ng 227 kg. ni Ma. Alexandra Escobar Guerrero ng Ecuador.
Ang iba pang kagrupo ng Pinay lifter ay sina Zoe Smith ng Great Britain (221 kg), Christin Ulrich ng Germany (205 kg), Yang Bediha Tunadagi ng Turkey (200kg), Annie Moniqui ng Canada (196) at Wini Jenly Tegu ng Solomon Islands (165).
Nasa Group A naman sina world at Olympic champion Li ng China (242), Pinsiri ng Thailand (241), Nastassia Novikava ng Belarus, Gulnoi ng Thailand (235), Kuo Hsing-chun ng Chinese Taipei at sina Jackelina Herdia Cuesta (233) at Lina Marcela Rivas ng Colombia (233).
- Latest
- Trending