Manila, Philippines - Nilimita ng Perpetual Help sa tatlong puntos ang Mapua sa five-minute overtime period para kunin ang 94-88 tagumpay sa elimination round ng 88th NCAA basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 5-2 win-loss record ngayon ang Altas, nakahugot ng game-high 22 points kay Earl Thompson, habang nalaglag naman sa 4-2 ang baraha ng Cardinals.
Nagmula ang Perpetual sa 59-64 kabiguan sa Jose Rizal University noong Lunes.
Nagtuwang sina Thompson at Nigerian import Femi Babayemi para ibigay sa Perpetual ang 93-88 bentahe sa 1:35 ng extension period matapos itabla ni Gab Banal ang Mapua sa 85-85 sa natitirang 18.6 segundo sa fourth quarter mula sa kanyang dalawang freethrows.
Nagtala rin ang 19-anyos na si Thompson, tubong Igos, Davao del Sur, ng career-high 10 assists, 5 rebounds, 4 steals at 1 shotblock para sa Altas.
Nag-ambag naman si George Allen ng season-high 19 points, ang 15 dito ay kanyang iniskor sa first half kung saan ipinoste ng Altas ang isang 13-point lead laban sa Cardinals.
Pinangunahan ni ni Michael Parala ang Cardinals mula sa kanyang 20 points, samantalang may 18 ni Gab Banal at 15 si Jonathan Banal. (RCadayona)
Perpetual Help 94 - Thompson 22, Allen 19, Babayemi 13, Vidal 11, Omorogbe 11, Elopre 9, Arboleda 7, Alano 2, Paulino 0.
Mapua 88 - Parala 20, G. Banal 18, J. Banal 15, Ighalo 12, Nimes 7, Stevens 5, Eriobu 4, Chien 3, Baran 2, Saitanan 2, Estrella 0
Quarterscores: 24-11; 44-35; 64-57; 85-85 (OT); 94-88.