Let the games begin.
Simula na bukas ng Olympic Games sa London. Simula na rin ng pagsisikap ng ating mga atleta na matupad ang pangarap natin na makakuha ng gintong medalya sa unang pagkakataon sa Olympics.
Napakahirap na magsabi kung sino sa ating mga atleta ang makakatupad ng pangarap ng sambayang Pilipino.
Pawang mahuhusay ang ating mga atleta. At lahat din naman sila ay nag-ensayo ng matindi. Pero siyempre matitindi rin naman ang mga kalaban natin na mula sa mga pinakamahuhusay na bansang kasali.
Ang mga Pilipinong atleta na kasali sa Olympics ay sina Rachel Cabral dela Cruz archer at two-time Olympian Mark Javier, BMX rider Dannny Caluag, judoka Tomohiko Hoshina na nakabase sa Japan, Marestella Torres at Rene Herrera ng athletics; Jasmine Alkhaldi at Jessie Khing Lacuna sa swimming; Mark Anthony Barriga ng boxing; Brian Rosario ng shooting; at Hidilyn Diaz ng weightlifting.
Bitbit ng ating mga atleta ang ating panalangin na maipakita ang husay ng mga Pilipino.
Inaasahan natin ang suporta ng buong bansa. Hindi ba’t ilang beses na nating napatunayan na kahit pa nagkakaiba ng idelohiya at paniniwala, sa pamamagitan ng sports, nagkakaisa ang buong bansa. Panalangin natin na manatiling matibay ang loob ng ating mga atleta.
Para sa akin, ang maipakita lamang ng ating mga atleta ang kanilang pinakamahusay na performance o kaya ay maiangat ang kanilang personal best ay maituturing na isang karangalan para sa ating bansa.
Inaasahan natin na sa mga sususnod na araw ay aangat na o nasa peak na ang ating mga atleta. Ang kinakailangan na lamang ay ipakita na nila ang kanilang pinakamahusay na laro. Payo lamang natin ay huwag magpadala sa pressure ang ating mga atleta at sa halip ang isipin ay nagdarasal at nasa likod nila ang buong Pilipinas.
Para sa akin, winners na ang ating mga atleta.