Donaire sasabak na rin sa showbiz
MANILA, Philippines - Kagaya ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao, gagawa na rin ng pelikula si unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Halos dalawang linggong kukunan sa Laguna ang eksena ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire, nakabase ngayon sa San Leandro, California, sa naturang Visayan film na ipo-produce ng pamilya ni actor Matt Ranillo III.
Bago pumasok sa paggawa ng pelikula ay napanood na rin ang 29-anyos na si Donaire sa dating comedy programa ni Pacquiao na ‘Show Me The Manny’ sa GMA Channel 7 bilang pansamantalang kapalit ni ‘Pacman’.
Nauna nang sinabi ni Donaire, sumali sa isang dancing show ng GMA at mahusay bumitaw ng mga RNB songs at rap, sa isa sa kanyang mga naunang panayam na gusto niyang subukan ang showbiz.
Nakatakdang dumating sa bansa sa Lunes.
Nanggaling si Donaire sa isang unanimous decision win kontra kay Jeffrey Mathebula noong Hulyo 7 sa Carson, California para mapanatiling suot ang kanyang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight crown kasabay ng pag-agaw sa International Boxing Federation (IBF) title ng South African.
- Latest
- Trending