Ginebra o B-Meg?
MANILA, Philippines - Isa lamang sa Barangay Ginebra at B-Meg ang makakakuha ng ikalawang finals berth para makatapat ang naghihintay na Rain or Shine sa championship series ng 2012 PBA Governors Cup.
Pag-aagawan ng Gin Kings at Llamados ang pangalawang finals ticket ngayong alas-6:45 ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Tinalo ng B-Meg ang Ginebra ng dalawang beses, 96-88 at 82-70, sa kanilang paghaharap sa elimination at semifinal round ngayong torneo.
Tinalo ng Rain or Shine ang B-Meg, 92-82, para sa kanilang kauna-unahang finals appearance sapul nang umakyat sa pro league noong 2006, samantalang binigo naman ng Ginebra ang Talk ‘N Text, 73-71, upang makuha ang playoff para sa ikalawang finals seat.
Nauna nang iginupo ng Llamados, nagkampeon sa nakaraang 2012 PBA Commissioner’s Cup, ang Gin Kings, 82-70, noong Huwebes kung saan nalimita si Mark Caguioa sa 3 points mula sa kanyang malamyang 0-of-10 fieldgoal shooting.
“Nu’ng nagkaroon ako ng (eye) injury 5 points lang ang naiskor ko against them. Last game namin sa kanila 3 points lang ang nagawa ko,” sabi ni Ginebra superstar Mark Caguioa sa B-Meg. “Lahat ng klase ng depensa ginawa nila sa akin. That’s why on Friday I have to find a way to score.”
Ang ikaapat na panalo ng Gin Kings kontra sa Tropang Texters sa carryover semifinal round ang nagpasok sa kanila sa 4-of-5 incentive para sa playoff sa ikalawang finals spot.
“We’re just thankful for the opportunity, we’re thankful for the blessing na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. We’ll just hard for it,” sabi ni coach Siot Tanquingcen sa Gin Kings, huling nakatungtong sa finals noong 2011 PBA Commissioner’s Cup at huling nagkampeon noong 2008 Fiesta Conference sa tulong ni seven-foot import Chris Alexander.
Hangad naman ng Llamados ang kanilang ikalawang finals stint at pang 23 sa kabuuan.
Bukod kay Caguioa, muling aasahan ng Ginebra sina import Cedrick Bozeman, 2008 PBA Most Valuable Player Jayjay Helterbrand, Kerby Raymundo, Mike Cortez at rookie Dylan Ababou.
Sina import Marqus Blakely, two-time PBA MVP James Yap, PJ Simon, Marc Pingris, Yancy De Ocampo at Josh Urbiztondo ang itatapat naman ni B-Meg mentor Tim Cone.
- Latest
- Trending