MANILA, Philippines - Bibiyahe ngayong gabi sina archers Mark Javier at Rachel Anne Cabral at Fil-Japanese judoka Tomohiko Hoshina sa Hong Kong bago dumiretso sa London para samahan ang walo pa nilang kakampi sa paglahok sa darating na 30th Olympic Games.
Sina Javier, Cabral at Hoshina ang pinakahuling mga Filipino athletes na aalis para sa isang 18-hour flight sa British capital isang linggo bago magsimula ang 2012 London Olympics sa Hulyo 27.
Nagbalik sa bansa sina Javier at Cabral matapos ang isang 10-day training sa South Korea sa ilalim ni Korean coach Chung Jae Yun, habang nagsanay naman si Hoshina sa Tokyo sa paggiya ni Japanese mentor Yasuhiro Sato.
Makikipagkita si Philippine team chef de mission Manny Lopez, bumiyahe noong Martes ng gabi, kina Javier, Cabral at Hoshina sa Heathtrow airport patungo sa Olympic Village, magiging tahanan ng halos 16,000 atleta at opisyales mula sa 204 bansa sa susunod na tatlong linggo.
Nakatakda namang mag-check in sa Olympic Village sina long jumper Marestella Torres, long distance runner Rene Herrera, shooter Brian Rosario, boxer Mark Anthony Barriga, swimmers Jasmine Alkhaldi at Jessie Khing Lacuna sa isa sa 2,818 apartments na nasa loob ng 65-acre Olympic Village.
Si BMX rider Danny Caluag, nagsasanay sa Netherlands, ay magtutungo sa London sa susunod na linggo.
Hindi nagsanay sa libreng training camp sa London sina Javier at Cabral at sa halip ay nagsanay sa Seoul sa ilalim ni Chung, isang veteran Olympian.