Bad shot
‘Di na yata matapus-tapos ang problema sa bilyar sa ating bansa.
Sayang dahil mahal na mahal pa naman ng mga Pinoy ang sport na ito kung saan sumikat sa buong mundo sina Amang Parica, Bata Reyes, Django Bustamante, Alex Pagulayan, Ronnie Alcano, Lee Van Corteza at Dennis Orcollo.
Kahit sa mga babae, hindi din naman magpapaiwan sina Rubilen Amit at Iris Ranola.
Pero wala naman sa mga players natin ang problema kundi sa mga opisyales na nagpapatakbo ng Billiards Sports Confederation of the Philippines (BSCP).
Talagang hindi sila magkasundo.
Nung 2009 ay napalitan ang dating liderato sa BSCP na sila Ernie Fajardo at Yen Makabenta at naihalal sila ni Bong Ilagan bilang pangulo at ni Putch Puyat bilang chairman.
Akala ng lahat ay ayos na ang butu-buto.
Pero wala din pala dahil di nagtagal ay naglitawan ang mga hinaing ng ibang mga players laban kay Ilagan na hindi na rin makapaniwala kung bakit siya nababatikos.
Tila ang kasalanan ng iba ay naibabaling kay ilagan. At nung July 9 ay naganap ang isang eleksiyon kung saan nanalo si Puyat bilang bagong presidente ng BSCP.
Nangako si Puyat na aayusin ang mga gusot sa BSCP.
Kaya lang mukhang kailangan niyang maghintay dahil umalma si Ilagan na illegal daw ang pagkakahalal kay Puyat bilang presidente.
“Ako pa din ang presidente,” wika ni Ilagan.
Madaming isyu ang ibinabato laban kay Ilagan pero may mga isyu din siyang ibinabato kay Puyat. Kaya asahan natin ang palitan ng mga maaanghang na salita sa darating na mga araw.
Hindi mo na alam kung sino ang nagsasabi ng totoo. Dating magkakampi, ngayon magkaaway na.
Okay lang sana kung ang away nila ay sa kanila na lang. Pero ang masama dito ay ang mga players ang naaapektuhan dahil may mga sasanib kay Puyat at may mga kakampi kay Ilagan.
Nakakahiya na naman ang Pilipinas sa larangan ng bilyar kung titingnan tayo ng World Pool-Billiards Association o WPA.
Marahil ay nagtataka sila bakit maya’t maya ay may sumisingaw na baho at gulo mula sa ating bansa.
Kaya nga siguro dahan-dahan na din bumababa ang mga ranking ng mga Pinoy na manlalaro natin.
Huwag na tayong magtaka.
- Latest
- Trending