Orcollo, De Luna hanggang semis lang
MANILA, Philippines - Walang sinabi ang laro nina Dennis Orcollo at Jeffrey De Luna laban kina Karl Boyes at Darren Appleton ng Great Britian para mamaalam na ang mga Pinoy cue artist sa idinaos na 1st Guinness World Series of Pool-Speed Pool Championship sa Surabaya, Indonesia.
Sa semifinals nagkita ang mga Filipino at British players at katapat ni Orcollo si Boyes habang sina De Luna at Appleton ang nagtagisan sa isang semis.
Pero mas mabilis na umubos ng bola ang British players at si Boyes ay nagtala ng tatlong minuto at 49 segundo kumpara sa 5:37 ni Orcollo.
Mas dikitan ang labanan sa pagitan nina Appleton at De Luna pero kinapos ang huli sa kanyang 4:56 laban sa 4:37 ng katunggali.
Sa finals na pinaglabanan sa pitong racks ay nanalo si Boyes sa kababayang si Appleton, 5:33-7:03, upang hirangin bilang kauna-unahang kampeon ng torneo na nilahukan ng 40 batikang pool players sa mundo.
“I’m proud and happy that I became the champion of this Speed Pool tournament and I hope to become a champion again in the next edition,” wika ni Boyes.
Halagang $41,500 ang naibulsa ni Boyes habang $12,500 naman ang naiuwi ni Appleton.
- Latest
- Trending