MANILA, Philippines - Kumpiyansa si world flyweight champion na si Sonny Boy Jaro na magiging matagumpay ang una niyang title defense laban kay Japanese challenger Toshiyuki Igarashi ngayon sa Saitama, Japan.
“Kahit mas matangkad siya sa akin, alam ko mas malakas ako sa kanya,” sabi ng 5-foot-2 1/2 na si Jaro, itataya ang kanyang suot na World Boxing Council (WBC) flyweight crown, laban sa 5’5 1/2 na si Igarashi.
Bitbit ng 30-anyos na si Sonny Boy ang kanyang 34-10-5 win-loss-draw ring record kasama ang 24 KOs, habang may 15-1-0 (10 KOs) card naman ang 28-anyos na si Igarashi.
Sinabi ni Jaro na hindi niya ibibigay sa mga judges ang resulta ng kanilang laban at sa halip ay plano niyang pabagsakin si Igarashi para makaiwas sa isang hometown decision.
Pinabagsak ni Jaro si Pongsaklek Wonjongkam (83-4-2, 44 KOs) sa sixth round upang agawin sa Thai boxer ang suot nitong WBC flyweight title noong Marso 2 sa Chonburi, Thailand.
Nakamit ni Igarashi ang pagkakataong hamunin si Jaro matapos talunin si Wilbert Uicab ng Mexico sa kanilang title eliminator noong Nobyembre 6, 2011.
Nasa undercard naman ang laban ni Michael Fareñas (34-3-3, 26 KOs) kontra kay Japanese world junior lightweight titlist Takashi Uchiyama.