Outright finals playoff asam ng Ginebra sa B-Meg

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Gin Kings para makuha ang 4-of-5 incentive na magbibigay sa kanila ng isang outright finals berth.

“I’m so thankful for this win. Honestly, I don’t know how many wins more do we need. Hindi na namin isipin ‘yon,” sabi ni Barangay Ginebra coach Siot Tanquingcen, nakatakdang sagupain ang B-Meg nga­yong alas-6:30 ng gabi sa carryover semifinal round ng 2012 PBA Governors Cup sa Smart-Araneta Co­liseum.

Nasa isang four-game winning streak ngayon ang Gin Kings, ang tatlo rito ay kanilang itinala sa semifinals.

Kasalukuyang tangan ng Rain or Shine ang 9-2 record kasunod ang Barangay Ginebra (8-4), B-Meg (8-4), Talk ‘N Text (7-5) at mga sibak nang Petron (6-7) at Meralco (4-8).

Huling biniktima ng Gin Kings ang Elasto Painters, 95-86, noong nakaraang Huwebes kung saan nagtumpok si Mark Caguioa ng game-high 29 points.

Nag-ambag naman si import Cedrick Bozeman ng 19 markers kasunod ang 15 ni Kerby Raymundo at 11 ni 2008 PBA Most Valuable Player Jayjay Helterbrand.

Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng Ginebra matapos ang jersey retirement ceremony para kay Sen. Robert Jaworski, Sr. noong Linggo sa Big Dome.

Nanggaling naman sa kabiguan ang Llamados matapos yumukod sa talsik nang Bolts, 101-104, noong Biyernes.

Sina import Marcus Bla­kely, two-time PBA MVP James Yap, PJ Simon, Marc Pingris, Yancy De Ocampo at Josh Urbiztondo ang muling aasahan ng B-Meg ni mentor Tim Cone. 

Show comments