Bulldogs nilapa ang Warriors

MANILA, Philippines - Gumana agad ang running game ng National University upang tambakan nila ang UE, 90-55, sa pagbubukas ng 75th UAAP men’s basketball kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Apat na manlalaro ni coach Eric Altamirano ay nagtapos taglay ang 10 puntos pataas at dinomina ng BUlldogs ang fastbreak points sa kamangha-manghang 28-0 upang katampukan ang magarang panalo ng host school.

“Excited kami na mag­laro pero ang ipinaalala ko lagi sa team ay maging relax at hindi mawala sa focus. Ginawa naman nila ito dahil nasunod ang mga plano namin at very disciplined at consistent sila sa kabuuan ng laro,” ani Altamirano.

Ang 35-puntos kala­ma­ngan sa opening day ang pinakamalaki matapos ang 89-61 panalo ng FEU laban din sa Red Warriors na nangyari noon pang Hulyo 10, 2004.

Si Jeoffrey Javillonar ay mayroong 19 puntos at 11 rebounds habang ang nagdedepensang MVP na si Bobby Ray Parks Jr. ay mayroong 16 puntos, 6 rebounds, 6 assists, 4 steals at 3 blocks.

May 12 puntos at pitong assists si Gelo Alolino habang si Spencer Rosario ay naghatid ng 10 puntos.

Ang mga imports na sina Emmanuel Mbe, na hindi nakalaro sa first half dahil walang numero ang kanyang uniporme, at Henry Betayene ay nagsanib sa pitong puntos.

Si Roi Sumang ay may­roong 21 puntos para sa UE na agad namang inilagay sa protesta ang laro dahil walang patch sa uniporme ng Bulldogs.

Nalusutan naman ng pumangalawa sa 74th season na FEU ang palabang UST sa 73-72 iskor sa ikalawang laro.

Humulagpos sa isang lay-up ang dating MVP na si RR Garcia sa huling pitong segundo upang ilagay ang Tamaraws kasalo sa Bulldogs sa liderato sa walong koponang liga.

Show comments