Meralco ginulat ang B-Meg
MANILA, Philippines - Matapos malampaso ng sister team na Tropang Texters noong Miyerkules, ibinaling naman ng Bolts ang kanilang galit sa Llamados.
Mula sa mainit na first period, tinakasan ng Meralco ang B-Meg, 104-101, sa carryover semifinal round ng 2012 PBA Governors Cup kahapon sa Smart-Araneta Colisuem.
Bagamat nagwagi, wala nang tsansa ang Bolts sa 4-of-5 incentive kung saan ang koponang mananalo ng apat sa kanilang limang laro ay mabibigyan ng outright semifinals playoff.
Kasalukuyang tangan ng Rain or Shine ang 9-3 record kasunod ang Barangay Ginebra (8-4), B-Meg (8-4), Talk ‘N Text (6-5) at mga sibak nang Petron (6-6) at Meralco (5-8).
Nanggaling ang Bolts sa 84-108 pagyukod sa Tropang Texters noong nakaraang Miyerkules.
Kinuha ng Meralco ang first quarter, 31-17, bago ito palakihin sa halftime, 54-43, patungo sa pagtatayo ng isang 15-point lead, 62-47, kontra sa B-Meg sa 5:17 ng third period.
Ikinasa ng Bolts ang isang 17-point advantage, 80-63, sa 10:51 ng final canto mula sa basket ni Jay-R Reyes.
Sa likod nina import Marcus Blakely, two-time PBA Most Valuable Player James Yap, Yancy De Ocampo at Josh Urbiztondo, nailapit ng Llamados ang laro sa 96-98 sa huling 13 segundo.
Huling nakadikit ang B-Meg sa 101-102 agwat sa natitirang limang segundo kasunod ang freethrows ni Asi Taulava para selyuhan ang panalo ng Meralco.
“Character is tested when nothing is on the line,” sabi ni coach Ryan Gregorio. “This team plays hard. This team plays to win. This team can go against the big dogs in the lead.”
- Latest
- Trending