Mayweather Best Fighter ng ESPY
MANILA, Philippines - Dahil na rin sa kontro-bersyal na split decision loss ni Manny Pacquiao kay Timothy Bradley, Jr. noong Hunyo 9 ay si Floyd Mayweather, Jr. ang hinirang na 2012 Best Fighter sa 20th ESPY Awards.
Tinalo ni Mayweather para sa naturang karangalan sina undefeated Andre Ward at UFC light heavyweight champion Jon Jones.
Binigo ni Mayweather si Miguel Cotto para sa World Boxing Association (WBA) light middleweight crown noong Mayo 5 bago siya dumiretso sa Las Vegas County Prison para pagsilbihan ang 84 araw na pagkakakulong bunga ng kasong domestic violence na isinampa ng kanyang dating ka live-in.
Ang laban nina Pacquiao at Mayweather ang inaasahan pa rin ng mga boxing fans sa buong mundo na mapaplantsa matapos madiskaril ng tatlong beses.
Samantala, hinamon naman ni Bradley, ang bagong World Boxing Organization (WBO) welterweight champion, si Pacquiao para sa isang rematch sa Nobyembre 10 na siya namang nakasaad sa kanilang fight contract.
Kumolekta si Bradley ng 115-113 iskor mula kina judges Duane Ford at Cynthia J. Ross, habang 115-113 ang nakuha ni Pacquiao kay Jerry Roth.
Sinabi ng 28-anyos na si Bradley (29-0-0, 12 KOs) na sawang-sawa na siyang makarinig ng mga intriga hinggil sa kanyang panalo sa 33-anyos na si Pacquiao (54-4-2, 38 KOs), ang tanging Asian fighter na nagkampeon sa walong magkakaibang weight divisions.
- Latest
- Trending