MANILA, Philippines - Iniuwi ni Filipino Grandmaster Wesley So ang 3rd overall sa 40th Annual World Open Chess Championship na ginanap sa Sheraton City Center Hotel sa Philadelphia nitong Hulyo 2 hanggang 8.
Tumapos si So, tubong Bacoor, Cavite-ng 6.5 points na kanyang kinuha mula sa apat na panalo, limang draws sa siyam na sulungan na nagbigay sa kanya ng ikatlong pagtatapos matapos ang superior tie break kontra kina GMs Giorgi Kacheishvili ng Georgia, Aleksander Lenderman, Alexander Evdokimov, Ray Robson, Yuri Shulman at Mark Tyler Arnold ng USA.
Nadiskaril ang tsansa ni So na masungkit ang kampeonato nang mauwi lamang sa tabla ang pakikipagpigaan niya ng utak kay Shulman sa final round.
Si GM Ivan Sokolov ng Netherlands ang siyang tinanghal na kampeon makaraang igupo sa tie break match si GM Alexander Shabalov ng Amerika na kapwa tumapos ng pitong puntos.
Ang paglahok at biyaheng ito ni So ay suportado nina National Chess Federation of the Philippines (NCFP) President/ Chairman Prospero "Butch" Pichay Jr. at Secretary-General Abraham “Bambol” Tolentino Jr.