MANILA, Philippines - Nakatakdang sumailalim sa isang surgery si Jeffrey Mathebula ng South Africa matapos mabasagan ng panga sa kanyang pagkatalo kay unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. noong Linggo sa Carson, California.
Ito ang sinabi ni Branco Milenkovic, ang promoter ni Mathebula, kaugnay sa pagkakabasag ng panga ng dating International Boxing Federation (IBF) super bantamweight king.
Ang buong akala ng boxing fans ay natanggalan lamang ng ngipin ang 33-anyos na 2000 Olympic Games campaigner matapos mapabagsak ng World Boxing Organization (WBO) champion na si Donaire sa fourth round.
Subalit ayon kay Milenkovic, hindi na nakapagsalita ang 5-foot-10 na si Mathebula at pinilit na lamang labanan si Donaire.
Nagkaroon man ng pagkakataon si Donaire na tapusin si Mathebula sa fourth round ay hindi niya ito nagawa.
“No. I know I wasn’t set up for that punch. I just threw it, because I had the opportunity to see it, but you know… I did what I needed to do,” ani Donaire, idinagdag ang IBF super bantamweight title ni Mathebula bukod sa kanyang WBO crown.
Nakatakdang sagupain ni Donaire, may 29-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs, si Mexican world four-division champion Jorge ‘Travieso’ Arce (60-6-2, 46 KOs) sa Oktubre sa Staples Center sa Los Angeles, California.
Ikinunsidera rin ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para ilaban kay Donaire sina Toshiaki Nishioka (39-4-3, 24 KOs) ng Japan, Guillermo Rigondeaux (10-0-0, 8 KOs) ng Cuba at Abner Mares (24-0-1, 13 KOs) ng Mexico.