MANILA, Philippines - Sinamantala ng College of St. Benilde ang kawalan ng malalaking manlalaro ng Letran College upang hawakan ang 77-60 panalo sa 88th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Umiskor si Joel Tolentino ng 17 puntos, kasama rito ang tatlong tres, para itabla ng Blazers ang karta sa 2-2 kasabay ng pagpapatikim ng ikatlong sunod na pagkatalo sa apat na laro sa host Knights.
Si Mark Romero ay humakot ng 13 puntos at 7 rebounds, habang may tig-10 marka sina Paolo Taha at Carlo Lastimosa para sa tropa ni coach Richard del Rosario.
“We didn’t want to commit the same mistakes against an undermanned Letran,” wika ni Del Rosario.
Wala ang mga higante ng Knights na sina Jam Cortes at Raymond Almazan na sinamantala ng Blazers sa pagkolekta ng 49 boards kumpara sa 34 ng koponan ni Louie Alas.
Si Cortes ay napatawan ng one-game suspension bunga ng kanyang unsportsmanlike foul sa natalong laro sa Arellano, habang si Almazan ay may sakit pa rin.
Dahil walang puwersa sa ilalim, tig-10 puntos na lamang ang naiskor ng Knights sa ikatlo at ikaapat na yugto para mawalang-saysay ang 23-17 at 40-35 kalamangan sa unang dalawang yugto.
Ang tres ni Mark Cruz ang nagbigay sa Knights ng 47-43 bentahe, pero isinalpak ni Tolentino ang ikalawang tres sa laro at isang freethrow para maisulong ng Blazers ang 13-3 palitan para hawakan ang 56-50 abante.
Mula rito ay hindi na nakabangon pa ang Letran at ang drive ni Tolentino ang nagbigay ng 75-58 kalamangan sa St. Benilde sa huling isang minuto ng bakbakan.
Si Kevin Racal ay naglista ng 18 puntos at siyang umako sa lahat ng 10 puntos sa huling yugto ng Knights, habang si Cruz ay may 13 marka.