Donaire kinuha ang 2 titulo
MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ni Nonito Donaire Jr. ang hinangad na dalawang titulo sa super bantamweight division nang talunin si dating IBF champion Jeffrey Mathebula ng South Africa gamit ang unanimous decision kahapon sa Home Depot Center sa Carson City, California.
Napahirapan si Donaire ng mga jabs mula sa mas matangkad na si Mathebula ngunit nagawa pa rin niyang isingit ang mga power punches upang makuha ang pagsang-ayon ng tatlong huradong tinapik para iskoran ang laban.
Bumulagta si Mathebula sa fourth round nang tamaan ng malakas na counter left hook ni Donaire at kahit nagawa niyang tapusin ang laban at nakaporma pa sa mga gitna ng rounds, hindi naman sapat ito para tabunan ang trabahong ginawa ng Filipino ‘Flash’ tungo sa 119-108, 117-110,118-109 panalo mula kina Deon Dwarte, Jonathan Davis at Steve Morrow.
“It was tough. The jab really took me out of my power range. He’s a great champion, he wouldn’t let me get in there and let me work,” pagpupugay ng 29-anyos na si Donaire, ang kampeon ng WBO, na isinantabi rin ang pamumulikat ng magkabilang binti dahil sa kakulangan sa pag-warm up.
Tanggap naman ng 33-anyos, 5’10 na si Mathebula ang pagkatalo at aminadong mas mahusay sa kanya si Donaire na hawak ang number four puwesto sa pound for pound King ranking.
Hanap ngayon ni Donaire ang mapalaban pa sa isang kilalang boksingero sa dibisyon kung hindi pa puwede ang isang kampeon upang lumapit sa hangaring mapag-isa ang lahat ng titulo sa 122-pound division.
Si Toshiaki Nishioka ng Japan ang sinisipat ni Donaire na makalaban dahil sa kanyang pananaw ay ito ang pinakamatindi sa kanilang dibisyon kahit walang hinahawakang titulo sa ngayon.
Si Nishioka ang kinikilalang WBC emeritus super bantamweight champion at pinanood niya sa ringside si Donaire.
Bukod sa Japanese boxer, posible ring si Jorge Arce ng Mexico ang itapat sa kanya na siyang napupusuan ni Top Rank promoter Bob Arum.
Ipinarating din ni Donaire kay Arum ang pagnanais na makalaban sa harap ng mga Filipino boxing fans bagay na sisikaping gawin ng beteranong promoter.
“I’m open to it being in the Philippines,” wika ni Arum na nananalig na susuportahan siya sa nasabing plano ng HBO na siyang nagsaere ng nasabing unification fight.
- Latest
- Trending