88th NCAA Chiefs nakaisa rin
Manila, Philippines - Pinawi ng Arellano University ang mapapait na kabiguan sa tatlong naunang laro nang gulatin ang host Letran sa isang pisikal na laro, 77-67, sa 88th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Gumawa ang Fil-Canadian guard James Forrester ng 18 puntos at 11 rebounds at ang kanyang pang-apat na tres sa laro ay nakatulong para ibigay sa Generals ang 71-64 bentahe may 2:22 sa orasan.
Maagang lumayo ang Chiefs sa 51-37 pero naghabol ang kulang sa taong Knighs at dumikit sa dalawa, 64-66, sa buslo ni Mark Cruz.
Pero nagpakita ng tikas ang Chiefs sa endgame upang makapasok na sa win column habang ipinalasap nila sa host Letran ang ikalawang sunod na pagkatalo sa tatlong laro.
“Ang lagi ko lamang na sinasabi sa kanila is to think positive. Kailangan din na hindi mawawala ang tiwala nila sa isa’t-isa,” wika ni Banal na nakuha ang unang panalo bilang coach ng Arellano.
Si John Bangga ay naghatrid ng 13 puntos at 5 rebounds habang si Julius Cadavis ay mayroong 11 puntos para sa magandang pagtutulungan.
May 22 puntos, 6 assists, 5 rebounds at 3 blocks si Kevin Alas pero ininda ng Knights ang pagkawala sa laro dahil sa fragrant foul II na ipinataw kina Jam Cortes at Jonathan Belorio.
Hindi rin naglaro si Raymond Almazan dahil sa trangkaso kaya’t napilay ang inside defense ng koponan.
Muntik nang nagkaroon ng kaguluhan sa halftime nang sumugod ang mga panatiko ng Knights ang kinalulugaran ng mga referees pero naawat ito ng mga seguridad ng venue.
- Latest
- Trending