PFF kumikilos na
MANILA, Philippines - Kumikilos na ang Philippine Football Federation (PFF) para matiyak na ang mga mahuhusay na Fil-Foreign players ng Azkals ay makakasama kapag kumampanya na uli ang koponan sa 2012 ASEAN Football Federation (AFF) Suzuki Cup sa Nobyembre.
Sa isinagawang press conference kahapon sa House of Football sa Pasig City upang pormal na ipaalam ang magaganap na Suzuki Cup, sinabi ni PFF president Mariano Araneta na nagpadala na sila ng mga liham sa mga ligang pinaglalaruan ng mga Fil-Foreigners upang ipaalam ang iskedul ng national team at para mapahintulutan na makasama sa Azkals.
Si coach Hans Weiss ay nasa Germany at nakikipag-ugnayan sa German clubs na may Fil-German players habang ang PFF ay sumulat na sa Denmark at Fulham Football club para ipaalam ang iskedul ng national team.
Sina Stephan Schrock at goalkeeper Ronald Mueller ay naglalaro sa Germany; si Jerry Lucena ay nasa Denmark habang ang pambatong goalie na si Neil Etheridge ay naglalaro sa Fulham.
Hanap ng national team ang maduplika kungdi man ay higitan ang pagpasok sa unang pagkakataon sa semifinals sa 2010 Suzuki Cup dahilan upang bumangon uli ang suporta sa Philippine Football.
Nakasama ni Mariano sa pagpupulong ang mga Suzuki Philippines officials sa pangunguna ni president Satoshi Uchida, Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia at mga Azkals players na sina team skipper Aly Borromeo at Chieffy Caligdong.
Ang Pilipinas ay seeded na kasama ang Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam sa Group Stage na lalaruin mula Nobyembre 24 hanggang Disyembre 1 sa Malaysia at Thailand.
Ang ikapito at walong bansa na kukumpleto sa mga kasali ay kukunin matapos ang Qualifying round sa Yangon, Myanmar mula Oktubre 5-13.
- Latest
- Trending

















