Malaking laban at premyo naghihintay kay Donaire
MANILA, Philippines - Mas malaking laban at mas malaking pera ang tatanggapin ni Nonito “Filipino Flash” Donaire sakaling manalo kay Jeffrey Mathebula sa WBO/IBF super bantamweight title fight sa Linggo sa Home Depot Center, Carson, California.
Ayon sa promoter ni Donaire na si Bob Arum ng Top Rank, sinisilip niya ang mga tulad nina Jorge Arce, Rafael Marquez, Toshiaki Nishioka, Abner Marez at Guillermo Rigondeaux bilang mga posibleng katunggali kapag nalusutan ang 33-anyos IBF champion.
“I think that the division is loaded. Donaire has a lot of guys to choose from,” wika ni Arum.
Marami ang nagsasabing wala sa lebel ni Donaire si Mathebula na isang South African boxer na nagtagal sa amateur boxing at nakapaglaro sa Sydney Olympics noong 2000.
Ibinabase ng mga nagsasabi nito sa kalidad ng mga nakaharap ng dalawang boksingero kaya’t patok ang number four sa pound for pound list na manalo sa unification fight.
Ngunit para kay Arum, hindi nakakasiguro si Donaire dahil gutom sa respeto ang katunggali.
“This is a very tough fight. Mathebula is a very good boxer; he’s very tall, and got a lot of experience and a tremendous amateur background,” paliwanag nito.
May 26 panalo sa 31 laban kasama ang 14 KO karta si Mathebula habang si Donaire ay may 28-1 at 18KO.
Isang three division world champion si Donaire matapos dominahin ang flyweight, super flyweight at bantamweight at ang karanasan niya sa mabibigat na nakatunggali ang panapat niya kay Mathebula.
“I’ve never fought a guy this tall or with this much range. So it will be interesting. I’m anxious to see what sort of fight that he’ll try to make. But I’ve trained hard and ready for whatever he brings in,” wika ni Donaire.
Si Pat Russell ang tinawag para umakto bilang referee habang sina Deon Dwarte, Lou Moret at Steve Morrow ang mga hurado.
- Latest
- Trending






















