Mathebula tiniyak na gugulatin si Donaire
MANILA, Philippines - Walang kaparatan si WBO super bantamweight champion Nonito Donaire na magkumpiyansa sa kanyang laban kontra kay IBF king Jeffrey Mathebula.
Ito ay matapos tiyakin ng South African champion ang kahandaan na gulatin ang tinaguriang Filipino Flash sa kanilang unification fight na gagawin sa Linggo sa Home Depot Center sa Carson, California, USA.
Si Mathebula ay edad 33 anyos pero may taas na 5’10 at siyang pinakamatangkad na makakalaban ni Donaire sa kanyang boxing career.
“Expect a guy who is taller, who is smarter in the ring. Everything that Nonito has, I got it twice. He’s a good boxer but I’m better,” wika ni Mathebula.
May ring record na 26 panalo sa 31 fights bukod sa 14 KOs si Mathebula at inangkin niya ang IBF title nang talunin ang kababayang si Takalani Ndlovi gamit ang split decision noong Marso 24.
Aminado siyang si Donaire rin ang masasabing pinakamabigat niyang kalaban pero ang pagiging isang lehitimong featherweight at mahabang karanasan bilang isang amateur boxer na naglaro sa 2000 Sydney Olympics, ay kanyang magagamit para kunin ang panalo.
“I’m not scared. Donaire is one of the best fighter but believe me, I’ll be the better one on Saturday,” dagdag pa ni Mathebula.
Hindi naman nasisira ang tiwala ni Donaire na manalo lalo pa’t nagsanay siya nang husto at nagdagdag ng timbang para mas maging angkop sa 122 pound division.
- Latest
- Trending